Magat Dam magpapakawala ng tubig bago ang hampas ni Ompong

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 10:00 AM | Updated as of Sep 13 2018 01:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapakawala ng tubig ang Magat Dam sa Cagayan Valley ngayong Huwebes bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ompong sa rehiyon, sinabi ng state weather bureau PAGASA.

Nasa 189.2 metro na ang lebel ng tubig sa dam alas-6 ng umaga, malapit na sa 190-meter na normal elevation level nito, sabi ni PAGASA hydrologist Engineer Edgar Dela Cruz.

Magbubukas aniya nang 0.5 metro ang gate ng Magat Dam na magpapakawala sa 100 cubic meters per second ng tubig ngayong alas-2 ng hapon.

"Dahan-dahan lang nilang ibababa ang kanilang elevation para 'pag dumating iyung malakas na ulan, hindi mabibigla ang paglabas ng tubig," sabi ni Dela Cruz sa panayam ng DZMM.

Nilinaw niya hindi ito magdudulot ng pagbaha.

Bababa aniya ang pakakawalang tubig sa Magat River at dadaloy sa mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Luna, Burgos, Reina Mercedes at Naguilian sa probinsya ng Isabela.

Binabantayan rin aniya ng PAGASA ang posibleng pagtaas ng lebel ng tubig sa mga dam ng Angat sa Bulacan, La Mesa sa Quezon City at San Roque sa Pangasinan.

Inaasahang pupuntiryahin ng Bagyong Ompong ang probinsya ng Batanes sa Sabado, pero magdadala rin ito ng malalakas na pag-ulan sa mga lugar na sakop ng 900-kilometrong diameter nito, ayon sa PAGASA.

DZMM, 13 Setyembre 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.