Failon Ngayon: Traffic Fines

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 12:56 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa tuwing may operasyon ang mga awtoridad para linisin ang sanhi ng aberya sa traffic, karaniwang nagiging eksena ang away o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga motorista at traffic enforcers. 

Sa tala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), parami na nang parami ang mga motorista na lumalabag sa batas trapiko sa kalakhang Maynila.

Ayon naman kay Director Francis Ray Almora ng Law Enforcement ng Land Transportation Office (LTO), madalas na nagiging running violation -- habang tumatakbo ang sasakyan -- ng mga motorista ay reckless driving, disregarding traffic sign, failure to carry license, no license, at pagmamaneho ng student driver na walang kasamang lisensiyadong driver.

Ang madalas na non-moving violation naman, o kapag hindi umaandar ang sasakyan, ayon sa general manager ng MMDA na si Jojo Garcia, ay illegal parking, maling brake line, specifications ng kotse, at iba pa.

Ang pagiging kolorum at problema sa rehistro ng sasakyan ay masasabi rin daw na non-moving violation, ayon kay Almora.

Base pa rin sa tala ng MMDA, ang top 1 sa traffic violations na ginagawa ng mga motorista ay ang hindi pagsunod sa yellow lane. 

Sunod dito ang pagsasakay at pagbababa sa maling lugar, at humahabol naman sa top 3 ang hindi pagsunod sa mga traffic signs. 

Marami rin daw mga violation na illegal parking na inaaraw-araw naman daw na subukang solusyunan ngayon ng MMDA para makatulong sa pagbubukas ng mga inner roads.

Si alyas 'Jonah' ay isa sa nasampolan ng MMDA sa kanilang clearing operation. 

Ayon sa kanya limang beses ba siyang nahuli ng MMDA at tinatayang 15,000 na ang kanyang nagasatos sa limang huli na ito. 

Madalas unattended o walang drayber ang sasakyan ni Jonah kaya malaki ang inaabot ng kanyang bayarin dahil hinahatak na ito ng towing company.

Ayon kay Garcia, napakababa ng multa kapag natiketan, at nasa pagitan lamang ng P150 at P500 lamang. 

Kaya naman daw sa huling meeting nila sa Metro Manila Council, pinanukala nila na taasan ang mga multa. Ang illegal parking ay balak gawing P1,000. Kapag unattended ang sasakyan, P2,000 ang multa at puwede pa daw na ma-tow ang sasakyan.

Ang tanong: Kung papalitan na ng MMDA ang halaga ng kanilang multa, bakit ang mga multang ipinapataw ng mga miyembro mismo ng council na mga lokal na pamahalaan ay nananatiling iba-iba? 

Nag-ikot ang Failon Ngayon sa ilang lungsod at inalam ang singil sa illegal parking. 

Sa Caloocan, P500 ang multa sa illegal parking, sa Makati P400, at sa Quezon City ay P280. 

Sa Baguio namay ay P150 lang daw ang multa sa illegal parking. 

Bukod dito, iba-iba rin ang ipinapataw na penalty sa paglabag sa mga traffic signs kada lokal na pamahalaan. 

May partikular na parusa para sa beating the red light at counterflow ang Makati at Quezon City habang walang ganitong paglabag sa iba. Ang loading and unloading ng pasahero ng pampublikong sasakyan, hindi naman napapatawan ng penalty sa Baguio.

Maging ang Land Transportation Office, may sariling unit din na nanghuhuli at nagpapataw rin ng sarili nilang multa. 

Ito ang mga isyu na susubukang tingnan at himayin ng "Failon Ngayon." 

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa "Failon Ngayon" tuwing Sabado, pagkatapos ng "I Can See Your Voice," alas-11 ng gabi sa ABS-CBN Channel 2. 

Mapapanood ang replay ng "Failon Ngayon" sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. Maaari ring mapanood ang iba pang episode sa youtube.com/abscbnnews at sa iwantv.com 

Facebook: http://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage 
Twitter: @Failon_Ngayon