'Empleyado' ng Court of Appeals, 21 iba pa arestado sa drug ops

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 12:10 PM

Timbog sa magkakahiwalay na drug ops ang 22 katao, kabilang ang isang empeyado umano ng Court of Appeals. SCREENSHOT

Timbog ang 22 katao sa magkakahiwalay na drug operation sa Maynila at Taguig City, kabilang na ang isang empleyado umano ng Court of Appeals.

Hindi na nakapalag pa ang nagpakilalang empleyado ng CA na si alyas "Daniel" nang hulihin ng Manila Police District (MPD) Station 9 Drug Enforcement Team.

Isa siya sa 4 na inaresto matapos umanong maaktuhan sa drug session sa isang bahay sa Dakota Street, San Andres, Maynila.

Pero mariing itinanggi ni Daniel na sangkot siya sa paggamit ng shabu.

Base sa kaniyang ID, utility worker siya sa CA at 36 na taon na umano sa serbisyo. Nakituloy lang daw siya noon sa bahay ng kaibigan.

Itinanggi din ng mga kasama niya na may ilegal na aktibidad sa loob ng bahay.

Bukod sa apat, 11 iba pa ang naaresto sa hiwalay na buy bust operation at anti criminality operation sa Malate.

Samantala, matapos ang higit isang buwan pagmamanman ng Taguig police sa isang compound sa barangay Tanyag ay inabutan nila doon si alyas "Uno" na target ng kanilang operasyon.

Timbog din ang 4 pang lalaki na kamag-anak din ni Uno at nagsisilbing runner, watcher, at taga-kolekta ng pera.

"Isa sila sa pinakamalakas magbenta ng drugs doon sa barangay na ‘yon...Kasama po sila sa ating watch list," ani Superintendent Alexander Santos, hepe ng Taguig police.

Nasa 15 sachet ang nakuha sa kanila na abot sa P50,000 ang halaga.

Sa Taguig pa rin, nagpumiglas ang babaeng si alyas "Titay" na nahuli sa buy-bust operation sa barangay San Miguel.

Ayon sa pulisya, nagbenta ang kasama nitong si alyas "Nika" ng P100 halaga ng hinihinalang shabu.+

Tatlong sachet ang kumpiskado sa dalawa.

Nangyari ang transaksiyon sa sementeryo kung saan talamak ang holdapan.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.