Dating kagawad sa Pasig arestado dahil umano sa ilegal na droga

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 06:37 PM

MAYNILA - Arestado ang isang dating kagawad ng Barangay Bagong Ilog sa Pasig matapos mahulihan umano ng dalawang maliit na pakete ng hinihinalang shabu Huwebes ng umaga.

Ayon sa pulisya, aarestuhin sana si Randy Remudo, 43, sa kasong illegal possession of firearms pero nang puntahan nila ang bahay nito para isilbi ang warrant, nakita nila ang umano'y shabu doon.

Giit naman ni Remudo, ng kanyang misis, at ng kanyang biyenan, tinanim lamang ng mga operatiba ang shabu dahil hindi naman nakita sa kanila ang hinahanap na mga armas. 

Dati nang sumuko sa Oplan Tokhang nitong Enero 2018 si Remudo matapos mapasama sa drug watchlist ng pulisya. Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.--ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.