ALAMIN: Batas na nagtatalaga sa araw, buwan ng mga guro

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 12:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ano nga ba ang ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Setyembre: World Teachers’ Day, National Teachers’ Month, o National Teachers’ Day?

Kadalasa’y nagkakalituhan kasi kung kailan o ano ba talaga ang ipinagdiriwang sa tatlong nabanggit. 

Pero ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd), halos sabay talagang ginaganap ang mga nabanggit na okasyon. 

Ayon kay DepEd undersecretary Tonisito Umali, may mga batas na nagtatalaga sa National Teachers’ Day at National Teachers’ Month, alinsunod sa World Teachers’ Day na itinalaga ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). 

“Tayo lang po ang bansa na nagdidiwang ng buwan ng mga guro,” ani Umali sa “Usapang de Campanilla” nitong Miyerkoles. 

Bilang pagdiriwang nito, nagkakaroon ng programa ang mga paaralan para magunita ang sakripisyo ng mga guro para matuto ang kanilang mga estudyante. 

Sa ilalim ng Proclamation 242 ni dating Pangulong Benigno Aquino III, idineklarang National Teachers’ Month ang Setyembre 5 hanggang Oktubre 5. 

Ang National Teachers’ Day naman ay ginaganap kapag Oktubre 5, na kasabay ng World Teachers’ Day. 

Nakikipag-ugnayan rin ang DepEd sa mga pribadong paaralan na magsagawa ng sarili nilang aktibidad tuwing ginaganap ang mga okasyon. 

Ito raw ay para “ma-institutionalize” sa lahat ng paaralan ang pagsasaganap nito, at para mahikayat na rin ang mga estudyante na magturo kalaunan. 

“We want to encourage our citizenry... to pursue a career in teaching,” ani Umali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.