6 kilo ng 'shabu' nahukay sa bakuran sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 06:39 PM | Updated as of Sep 13 2018 07:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Narekober ang anim na kilo ng hinihinalang shabu sa bakuran ng isang appliance repair center sa North Fairview, Quezon City nitong umaga ng Huwebes. 

Kuwento ng may-ari ng shop na si Danilo Sibug, inaayos ng kaniyang trabahador ang drainage ng bakuran nang madiskubre ang hinihinalang droga. 

Dahil sa paghihinala, agad itong ini-report nina Sibug sa mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, nagkakahalaga ang nahukay na shabu ng tinatayang P40 milyon. 

Inuupahan lamang ni Sibug ang loteng pinagtayuan ng negosyo kaya nagulat siya nang makita ang shabu. 

Ipapatawag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga dating tenant nito para malaman kung sino ang nagbaon ng droga sa drainage. 

“Ipapatawag natin lahat para imbestigahan 'yung tenant at previous na may-ari para magbigay-linaw. Ma-background din natin kung sino ang nagbaon niyan,” ani NCRPO chief Guillermo Eleazar. 

Sa ngayon ay susuriin muna ng mga awtoridad ang mga narekober na shabu. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.