2 lalaki natagpuang patay sa tindahan ng litson manok

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 10:39 AM

May dalawang person of interest na ang pulisya na posibleng may kaugnayan sa insidente ng pagpatay sa 2 trabahador ng litson manok sa Tacloban City. Larawan mula kay Bunny Balintong.

TACLOBAN CITY – Patay na nang matagpuang ang 2 lalaki sa loob ng pinagtatrabahuhang tindahan ng litson manok sa Nula-tula sa lungsod na ito, Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang mag-pinsang biktima na sina Gino Sabaclid at Ronel Mendova, kapwa residente ng Barangay Inontan sa bayan ng Basey, Samar.

Isa sa mga biktima ay walang suot na pang-itaas at natagpuan malapit sa pintuan. Ang isa naman ay nasa higaan at naka-underwear lamang.

Kuwento ng fish vendor na si Jesus Pecoro, wala silang narinig na ingay kagabi at nabigla na lang sila nang may nakitang patay sa loob ng tindahan.

Ayon sa may-ari ng tindahan, hindi sila nakapagtinda kagabi ng litson dahil wala silang manok.

Sa CCTV na kuha ng kaharap na tindahan, makikita ang pagpasok ng isang lalaki sa loob ng litsunan. Ilang minuto pa at may dalawang lalaki ang patakbong lumabas na may dalang bag. 

Ayon naman sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) nagtamo ang mga biktima ng saksak sa dibdib. Ang biktimang nasa higaan ay may mga sugat din sa kamay.

Posible umanong natutulog ang mga biktima nang pasukin ng mga salarin at nagkaroon ng komosyon sa loob dahil sa nakakalat na mga gamit.

Narekober naman ng pulisya ilang distansiya lamang sa crime scene ang isang kutsilyo. Mayroon na ring 2 person of interest sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.