1 patay sa buy-bust operation sa Biñan

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 10:05 AM | Updated as of Sep 13 2018 12:23 PM

Napatay sa buy-bust operation ang isa umanong runner ng shabu sa Biñan City. Pinaghahanap pa ng awtoridad ang isa pang drug personality na nakatakas sa operasyon. Larawan mula sa Biñan City Police

BIÑAN CITY – Isa ang patay habang isa ang pinaghahanap pa matapos na mauwi umano sa engkuwentro ang naganap na buy-bust operation sa lungsod na ito, Martes ng gabi.

Napatay sa operasyon si Garry Molina matapos na makipagputukan umano sa mga pulis.

Nagkahabulan pa muna at nagkaputukan bago nakorner at napuruhan si Molina habang nakatakas naman ang kasamahan nito.

Batay sa impormasyon ng mga pulis, nagsisilbing runner si Molina ng nakatakas na suspek na kabilang sa drug watch list ng lungsod.

Narekober naman ang 12 sachet ng hinihinalang shabu at weighing scale sa lugar. Nakuha rin mula sa suspek ang isang baril.

Patuloy ang paghahanap ng mga pulis sa nakatakas na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.