Aabot sa 5,000 trabahador o skilled workers ang kailangan ngayon sa bansang New Zealand, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
In-demand sa New Zealand ang mga karpintero, mason, farm worker, scaffolder at iba pang may kinalaman sa construction.
- New Zealand job orders:
- Karpintero 1,928
- Mason 499
- Farm worker 427
- Fitter tyre/tech 397
- Scaffolder 361
- Driver 329
- Pipe fitter/worker 309
- Machine operator 226
- Painter 201
- Laborer 167
- Auto tech 100
- Total: 4,944
Hindi rin biro ang suweldong alok para sa mga nabanggit na trabaho.
Ang karpintero halimbawa, maaaring kumita ng 2,400 New Zealand dollars o katumbas ng P89,000.
Ang mga laborer, machine operator, mason at driver naman, nasa 3,520 New Zealand dollars ang sahod o tumataginting na P131,000.
Ayon sa POEA, patuloy pa rin ang rehabilitasyon sa New Zealand simula nang tumama ang lindol noong 2011.
Pero bago mag-apply, may ilang tinitingnan ang mga recruitment agency sa mga aplikante.
Mahalaga na may hindi bababa sa tatlong taong experience sa ibang bansa ang aplikante dahil pruweba ito na sanay siya sa paggamit ng mga modernong equipment.
Ayon naman sa Philippine Association of Service Exporters Incorporated (PASEI), isa-isa nilang tinatawagan ang lahat nang naging employer ng aplikante dahil sa mahigpit na requirement sa experience.
Dagdag pa ng PASEI, umaabot ng hanggang tatlong buwan ang application process para sa mga trabaho sa New Zealand.
Pero ang kagandahan dito, walang placement fee at pwedeng mag-apply na dalhin ang buong pamilya pagkatapos ng isang taong pagtatrabaho doon.
--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, tagalog news, TV Patrol, TV Patrol Top, Zen Hernandez, hanapbuhay, trabaho, overseas, abroad, balita, labor, job opportunities, overseas Filipino worker, jobs, employment, Philippine Overseas Employment Administration, POEA, New Zealand, OFW, PASEI