Mga senador, nanindigang ipaglalaban ang pondo ng CHR

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 02:19 PM | Updated as of Sep 13 2017 02:47 PM

Nanindigan ang ilang senador na ipaglalaban nilang mabigyan ng mataas na pondo ang Commission on Human Rights (CHR).

Ito'y matapos pagbotohan ng Kamara nitong Martes na bigyan lamang ng P1,000 pondo ang komisyon para sa susunod na taon.

Tinawag na "kalokohan" ni Sen. Francis Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, ang desisyon ng mababang kapulungan.

Dagdag ni Pangilinan, patikim ang nangyari sa CHR sa maaaring mangyari kapag binago ang Konstitusyon at ipagsama ang boto ng Senado at Kamara.

"Ngayon alam na natin ano ang mangyayari sa bansa natin kapag nag-cha-cha (Charter change) at itulak ang voting jointly na tig-isang boto lang ang mga Senador at Kongresista. Derecho na tayo sa diktadura," sabi ni Pangilinan sa kaniyang pahayag.

Inalala naman ni Sen. Sonny Angara ang pagkakatuklas ng CHR sa isang nakatagong selda sa Manila Police District Station 1 noong Abril. Sapat na dahilan umano ang nangyari upang gawaran ng malaking pondo ang ahensiya.

Ngunit humirit si Angara na huwag lamang mga karapatang sibil at politikal ang pagtuunan ng CHR ng pansin.

Para kay Sen. Bam Aquino, mahalaga ang gampanin ng CHR lalo na't laganap ang mga ulat ng pang-aabuso ng kapulisan sa mga karapatang pantao.

Dagdag ni Sen. Win Gatchalian, ang CHR ang naniniguradong nagagampanan ng mga pampublikong opisyal ang kanilang tungkulin nang hindi tumatapak sa mga karapatang pantao.

Samantala, tiniyak ng CHR na patuloy nilang tutuparin ang kanilang layuning protektahan ang mga karapatang-pantao.

"Despite these circumstances, we will not turn our backs on our Constitutional duty to render justice for all and give everyone their due," sulat ng CHR sa kanilang pahayag.

Dismayado ang CHR na itinuturing silang kalaban ng administrasyon. 

Nilinaw ng komisyon ang pagnanais nilang makipagtulungan sa gobyerno na palakasin ang pambansang demokrasya. 

Gagawan na lang umano ng komisyon ng paraan upang malutas ang pagkakaroon ng maliit ng pondo.

"We shall seek means to move forward and navigate through the hurdles mindful of our oath to serve the people," sulat ng CHR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.