Dating tanod patay sa pamamaril sa Batasan Hills

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 09:47 AM

MAYNILA - Duguan at nakadukdok ang ulo sa sahig. Ganito natagpuan si Junnie Omlang, dating barangay tanod, sa kanyang tindahan sa Batasan Hills, Quezon City.

Ayon kay alyas "Lorna," may-ari ng tinitirahan ni Omlang, nasa loob siya ng sariling bahay nang may marinig na isang putok ng baril sa labas, hatinggabi ng Martes.

Pagsilip ni Lorna sa tindahan ni Omlang, doon niya nakita ang duguang 39-anyos na nakitaan pa niya ng tama ng bala sa kaliwang pisngi.

Humingi pa aniya siya ng tulong sa barangay dahil bilang nars, tantiya niya ay buhay pa si Omlang nang mga oras iyon. Pero pinayuhan lang siya na huwag galawin ang katawan at maghintay sa SOCO.

Idineklarang dead on the spot ang biktima at hindi pa nakikilala ang salaring bumaril sa kanya. Nag-iimbestiga na ang pulisya sa posibleng motibo sa pagpaslang sa dating opisyal ng barangay.

Depensa naman ni Belinda Villanueva, barangay desk officer, nagpadala agad sila ng responde sa insidente. Pero nang masuri ng medically trained volunteer, napag-alaman nilang patay na si Omlang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.