Gobernador, pinapasuko ang mga drug suspect sa Maguindanao

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2016 04:42 PM

MAGUINDANAO- Nanawagan si Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu sa mga lokal na opisyal at sa kung sinumang sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga sa probinsiya na sumuko na.

Patuloy na pinababantayan ni Mangudadatu ang probinsiya sa anumang aktibidad na may kinalaman sa iligal na droga, lalong lalo na kung sangkot ang mga lokal na opisyal ng probinsiya sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Kasabay din nito ang plano ng probinsiya na magpatayo ng rehabilitation center.

"Aalamin namin, talagang tututukan namin 'yan at bukod dun, 'yung talagang pag-gamit ay iniisip namin paano namin marehab. Pagawa kami correctional at rehab center," ani Mangudadatu.

"Kapag sino man ang mahulihan at aktong mahuhulihan ng PNP at AFP, depende sa kanila ano ang gagawin sa kanila 'yung sa akto. Sa LGU, lagi ko sinasabihan na i-submit nila sarili nila before the Chief PNP," dagdag pa niya.

Umabot na rin sa kaalaman ng gobernador ang pagkakahuli kay Talitay Vice Mayor Abdulwahab Sabal sa Cotabato Airport dahil umano sa iligal na droga at isinasangkot din sa pagsabog sa Roxas Night Market sa Davao City.

Si Sabal at ang kapatid na si Mayor Montasir Sabal ay kabilang sa "narco-politicians" na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Personal din silang nakipag-usap kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Ronald "Bato" Dela Rosa upang linisin ang kanilang pangalan.

Naglabas na rin ng utos ang gobernador sa lahat ng lokal na pamahalaan sa probinsiya na magsagawa ng drug test sa mga opisyal at mga empleyado nito.

Ilang bayan na rin ang nagpatupad ng kautusan, kabilang na ang bayan ng Talitay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.