Bata, patay matapos mahulog sa tulay sa Legazpi

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2016 04:30 PM

LEGAZPI CITY – Isang bata ang namatay sa pagamutan Sabado ng umaga, matapos mahulog sa isang tulay dito noong nakalipas na hapon.

Nahulog sa hindi pa natatapos na tulay si Stephane Villenas, 12 taong gulang, sa Sitio Malangka, Barangay Taysan, Legazpi City noong Biyernes. Naitakbo pa ito sa ospital, ngunit binawian din ito ng buhay bandang alas-singko kinaumagahan.

Ayon sa inang si Janice Villenas, hindi nito alam na kalahating-araw lang ang pasok ng anak noong Biyernes dahil sa seminar ng mga guro, kaya ikinagulat nito nang ipaalam sa kanya ng mga otoridad ang sinapit ng anak. 

Madalas ay ginagawang tambayan ng mga estudyanteng dumadaan ang ginagawang tulay sa Sitio Malangka, ayon sa mga residenteng nakatira malapit dito.

"Ginagawa nilang challenge ang pagdaan sa tulay. Kapag nakatawid ka diyan, nagpapalakpakan," ani Lani Sanchez, isang residente.

Hunyo pa nang itigil ang paggawa sa tulay, pero noong Linggo lang daw ito nilagyan ng harang, nang may naaksidente na dito, sabi ng mga residente.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), noong Hunyo natapos ang Phase 1 construction na hawak ng Albay 2nd District Engineering Office. Ang Phase 2 ay hawak na umano ng Regional Office ng DPWH, na silang naghihintay pa na matapos ang bidding bago ito masimulan ulit.

Naniniwala ang 2nd District Engineer na si Engineer Danilo Villa, Jr. na nilagyan ng harang ang tulay. Ayon kay Villa, maaaring nakikita ng mga dumadaan na mas madali para sa kanilang dumaan sa ginagawang tulay kaysa maghanap ng ibang ruta.

Ipinangako ng DPWH ang pinansyal na tulong sa pamilya Villenas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.