PatrolPH

Babae nabudol umano sa Maynila ng 2 suspek

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2021 09:11 AM | Updated as of Sep 12 2021 10:14 AM

Huli ang dalawang babaeng nambudol umano ng isang babae para makuha ang cellphone nito sa Sta. Ana, Manila nitong Biyernes. 

Kita sa CCTV ng Barangay 874 na naglalakad ang tatlong babae sa kanto ng Tejeron at Revillen Street. Tila magkakaibigan ang tatlo dahil nag-uusap pa.

Pero hindi pala kilala ng isang babae ang dalawang kasama.

Ang biktima ay si alyas Angel, 22 anyos, na galing pa ng Tanza, Cavite. Aniya, pumunta siya sa Maynila dahil inimbitahan ng isang kaibigan.

Pero pagdating sa meeting place, ang dalawang babae ang nakipagkita sa kaniya at sinabing pupuntahan nila ang kaibigan ni Angel.

Watch more on iWantTFC

Habang naglalakad, nagtiwala umano si Angel sa dalawang babae at naibigay niya sa isa sa mga ito ang kaniyang cellphone na nagkakahalaga ng halos P40,000.

Bagaman umalis agad ang isang suspek, naharang naman ni Angel ang isa pa kaya nahuli ng taga-barangay. 

Sa follow-up operation ng mga pulis at opisyal ng barangay, nahuli ang umalis na suspek na miyembro umano ng Commando gang. 

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong theft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.