Posibleng makapagtala ang Pilipinas ng 30,000 bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw sa katapusan ng Setyembre, sabi ngayong Linggo ng OCTA Research Group.
Ayon sa OCTA, nasa 14 porsiyento ang average growth rate o bilis ng pagdami ng mga kaso. Nangangahulugan din itong kada linggo ay tumataas nang 14 porsiyento ang mga kaso.
Nasa 20,000 ang average na bilang ng mga nagkakasakit kada araw ngayon.
"It’s very possible na makita natin ‘yung 30,000 cases before the end of the month," ani OCTA Research fellow Dr. Guido David.
Ito'y matapos maitala noong Sabado ang 26,303 bagong kaso, ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso sa isang araw mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Naitala rin ang all-time high na 9,061 bagong kaso sa National Capital Region, batay sa datos mula sa Department of Health (DOH).
Ang mga kaso sa NCR ay 34 na porsiyento ng kabuuang 26,303 bagong kaso.
Sa Metro Manila, nasa 77 porsiyento ang mga kama sa intensive care unit (ICU) na ang ginagamit pero maraming ospital na ang nagdeklara ng full capacity at hindi na kayang tumanggap ng bagong pasyente.
Puno rin ang mga pagamutan sa mga probinsiya, tulad ng Pagamutan ng Dasmariñas na nasa parking lot ang mga naghihintay ma-admit.
Nag-abiso naman ulit ang Ospital ng Imus sa Cavite na magsasara ito ng pinto sa mga bagong COVID-19 patient.
Sa Isabela, sinabi naman ni Governor Rodito Albano na kailangan nila ng mas malaking pondo sa mga gamot, ospital at bakuna kaysa gastusan ang testing at contact tracing.
Ayon naman kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, bitin din ang pondong ibinaba ng national government para tumugon ang provincial government sa COVID-19.
Para naman kay Dr. Tony Leachon, dating adviser ng pamahalaan laban sa pandemya, dapat pa ring tutukan ng gobyerno ang testing, contact tracing, isolation at bakuna dahil kulang pa rin ang mga ito.
Dati na ring pinuna ng mambabatas na si Marikina Rep. Stella Quimbo ang OCTA dahil sa sinasabi nito na may 5 percent margin of error lamang ang forecast nila.
Pero sa analysis ni Quimbo, na isang PhD sa economics, umabot na sa 79 percent ang laki ng mintis ng forecast ng OCTA pag dating sa totoong bilang ng mga bagong kaso ng COVID na naitala.
Iginiit naman ng OCTA na nakabase sa data ng DOH ang kanilang projections sa mga kaso ng COVID-19.
— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.