PatrolPH

ValTrace: Valenzuela naglunsad ng sariling contact tracing platform

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2020 03:19 PM

ValTrace: Valenzuela naglunsad ng sariling contact tracing platform 1
Layong alisin ng ValTrace ang pagpirma sa mga contact tracing form sa mga indoor establishment sa lungsod gaya ng mga mall o kaya kainan. Screengrab.

MAYNILA - Inilunsad nitong Sabado ng Valenzuela City local government ang isang contact tracing platform na layong mapabilis ang paglabas-pasok ng mga tao sa mga establisimyento sa siyudad.

Ito ang "ValTrace," na layong alisin na ang pagpirma sa mga contact tracing form sa mga indoor establishment sa lungsod gaya ng mga mall o kaya kainan na umano'y nakakapagdulot ng hawahan. Inilunsad ang ValTrace sa bisa ng City Ordinance No. 783, Series of 2020, ngayong Sabado.

"The traditional practice of manual logging of customers, visitors, and employees in contact tracing forms prior to entering an establishment is highly discouraged by the local government as it can cause direct contact to possible carriers of the pandemic virus. With this, the City Government of Valenzuela established an automated contact tracing system through the use of QR codes to provide safe, timely, and more complete contact identification and follow-up compared with the traditional system," anila sa isang pahayag.

Para magamit ito, kailangang mag-rehistro ng residente sa website at punan ito impormasyon. Tiniyak din ng siyudad na “confidential” ang makakalap na datos.

Kasama sa kukuhaning datos ang pangalan, birthday, contact number, kasarian, address, contact number, at email address ng pupunta sa establisimyento.

Pagkatapos, makakakuha ng QR code ang aplikante, na magagamit na niya sa lahat ng establisimyento sa siyudad. Isang QR code ang nakalaan para sa kada tao at libre ang pagpaparehistro rito.

Required din anila ang mga establisimyento na magrehistro sa app.

"In essence, the system will log basic information and will provide a unique QR code for each individual and establishment. Both establishments and individuals are required to register in the ValTrace application by signing up at https://valtrace.appcase.net as Citizen (for the individual) and as Merchant (for establishment)," anila sa isang pahayag na inilabas ngayong Sabado.

Sisimulan ngayong Sabado ang pag-download ng QR Code sa app pero sa Nobyembre 16 ay bawal nang pumasok sa mga indoor establishment kung walang QR code mula sa ValTrace.

Nilinaw din ng LGU na hindi nito papalitan ang mga quarantine pass na gagamitin sa mga establisimyento.

Oras na i-require na ang paggamit ng platform ay maaaring maharap sa multa ang mga lalabag. Kung establisimyento ang lalabag ay mahaharap ito sa multa, at posibleng masuspinde o tuluyang mabawi ang lisensiya nito na magbukas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.