Sasakyan, nahulog mula sa ikalawang palapag sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2020 08:25 AM

Driver sugatan matapos mahulog ang sasakyan niya mula sa 2nd floor ng Philippine Ports Authority sa Maynila. Walang tao sa binagsakang sasakyan. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos mahulog ang minamanehong sasakyan mula sa ikalawang palapag ng Philippine Ports Authority building sa Maynila.

Nabagsakan ng kaniyang sasakyan ang isa pang behikulo na nakaparada lang sa gilid ng gusali.

Agad na dinala sa ospital ang driver ng nahulog na sasakyan na si Claudio Tagaan, 61-anyos.

Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit, nagulat na lang umano ang driver nang dumiretso ang sasakyan niya sa bahagi ng pader na gawa sa salamin.

Kuwento ng ilang nakakita, posibleng aksidenteng na accelerate ng driver ang sasakyan.

Nasa stable na kondisyon naman ang driver pero nagreklamo lang na masakit ang ulo.

Wala namang nakasakay sa binagsakang sasakyan, pero sira ang ilang parte nito.

‘Di pa matukoy ng imbestigador ang dahilan ng pagkahulog ng sasakyan, habang nagpapagaling pa ang driver.

Napag-alaman din na ang nahulog na sasakyan ay isang government vehicle.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.