Pirma Kapamilya umarangkada na sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2020 06:48 PM

MAYNILA - Nagpahayag ng suporta ang ilang residente ng Caloocan sa pagbabalik-ere ng ABS-CBN nang magsidagsaan sila sa Pirma Kapamilya Booth sa siyudad ngayong Sabado.

Ang Pirma Kapamilya ang People’s Initiative para maibalik ang ABS-CBN sa ere.

Mahigit 300 na ang pumirma sa booth sa Padre Zamora Street, sa Barangay 17, apat na oras matapos magbukas ang booths.

Target ng mga nangangasiwa na ikutin ang mga barangay sa Caloocan sa susunod na araw, ayon kay Jecos Carlos, isa sa mga organizer.

“Una ang sentimyento ng mga tao ay trabaho. ’Yung mga nawalan ng trabaho talaga ang sabi nila pandemya nga tinanggalan pa ’yung mga taong nagtatatrabaho. Pangalawang sentimyento nila ’yung pinapanood nila, hindi na raw nagagamit ang TV, wala na silang kasiyahan. Nasa loob na nga sila sa loob ng bahay, wala pang napanood,” ani Carlos.

Nagpapatupad din ng safety protocols ang grupo gaya ng pagsuot ng face masks at face shield.

Samantala, nilagyan naman ng Pirma Kapamilya booths ang 3 lugar sa Sariaya, Quezon.

Inihahanda na rin ang Pirma Kapamilya booths na ilalagay sa San Fernando, La Union simula Linggo, Setyembre 13.

— Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.