PatrolPH

May agam-agam sa virus? Mga nagpaparehistro para sa 2022 elections ‘matumal’ pa rin

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2020 06:08 PM

MAYNILA - Matumal ang mga nagpaparehistro sa mga tanggapan ng Commission on Elections, na itinuturo ng isang opisyal sa agam-agam ng mga botante sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Kakaunti lang daw kasi ang dumagsa sa kanilang mga tanggapan, halos dalawang linggo mula nang umarangkada muli ang voter’s registration para sa susunod na halalan.

"On a daily basis, on NCR (Metro Manila) is averaging only less than 2,000 sa ngayon may agam-agam pa ang mga magpaparehistro… Siguro until the end of next year, talagang magiging matumal ang dating ng mga tao," ani Comelec spokesperson James Jimenez.

Ayon kay Jimenez, nasa 4 na milyon ang eligible nang magparehistro at may 3 milyon hanggang 4 na milyon pa ang kinakailangang magpa-reactivate ng kanilang registration.

Hinikayat din ng Comelec ang mga magpaparehistro na i-download ang form mula sa Comelec website at sagutan na ito bago pa magtungo sa Comelec office para hindi na magtagal ang proseso.

Para kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, mas makakabuting huwag na munang magparehistro ang mga senior na botante.

Pero nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na rekomendasyon lamang ang inilutang ng IATF na pagpapaliban ng registration.

Nilinaw din ng Comelec na “status quo” muna o magpapatuloy ang pagtatanggap ng mga botante.

— Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.