Lalaking dahon ng saging ang gamit na face shield, tinulungan ng pulis-Isabela

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2020 10:02 PM

Lalaking dahon ng saging ang gamit na face shield, tinulungan ng pulis-Isabela 1
Isang lalaki sa Cauayan City, Isabela ang gumamit ng dahon ng saging bilang face shield. Cauayan City Police Station

Nahandugan ng face mask ang isang lalaki sa Cauayan City, Isabela matapos makita ng pulisyang gumagamit ito ng dahon ng saging bilang face shield.

 

Nagbabantay sa checkpoint nitong Sabado sa Barangay Alinam ang pulisyang pinangungunahan ni PSSg Mark Anthony Ramirez nang mamataan ang nagbibisikletang lalaki na may dahon sa mukha.

Tinanong ng mga pulis kung bakit ito ang gamit ng lalaki at aniya, wala siyang pambili ng face shield kaya napilitang gumamit ng dahon.

Dahil dito, agad inabutan ni Ramirez ng face mask ang lalaki para maging tunay na ligtas ito sa banta ng COVID-19.

Nag-viral sa Facebook ang post ng Cauayan City Police Station ukol dito at maraming netizens ang naantig sa pangyayari.

Bukod sa face mask, mandatory na ang pagsusuot ng face shield sa Cauayan sa pampublikong lugar, pampublikong transportasyon, at sa pagtitipon o mass gathering.

 

Sa buong bansa naman ay kinakailangan na ring nakasuot ng face mask at face shield sa pampublikong transportasyon at mga opisina.

Sa huling tala noong Setyembre 11, umabot na sa 31 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. 

Lalaking dahon ng saging ang gamit na face shield, tinulungan ng pulis-Isabela 2
Umabot na sa 31 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Cauayan City.

Sa buong bansa naman, sumampa na sa 257,863 ang kumpirmadong nagpositibo sa coronavirus, batay sa huling tala nitong Setyembre 12. 66,455 dito ang active cases, 187,116 ang gumaling na, at 4,292 ang nasawi.

-- ulat ni Bryan Reyes, ABS-CBN News