VIRAL: Grab driver pinagmumura, sinaktan ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 10:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-viral sa social media ang video na kuha ng isang Grab driver kung saan pinagmumura siya at sinaktan ng isang lalaki at tatlong babae na pasahero.

Sa kuhang video ni Reynaldo Tugade, makikitang minumura at sinusugod siya ng isang lalaking naka-t-shirt noong Setyembre 9 sa A. Del Monte, Quezon City.

Pinababa umano kasi ni Tugade ang pinsan ng lalaki at apat pa nitong kasama dahil hanggang 4 lang na pasahero ang puwedeng isakay ng drayber.

Pero iginiit ng lalaki na bata lang ang isa sa mga sinasakay at puwede naman daw itong kandungin.

Tinapik ng isang babae ang kaniyang kamay, dahilan pa para mahulog ang cellphone nito. Hinampas din siya ng isa pang babaeng nakasuot ng itim.

Hindi na nagbigay ng pahayag si Tugade na dating nagtrabaho bilang cameraman ng ABS-CBN.

Pero batay sa kaniyang salaysay sa Masambong police station, sinuntok siya ng lalaki sa mukha at sinipa pa ang kaniyang sasakyan kaya ito nayupi.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawa sa apat na nanakit kay Tugade, kabilang ang lalaking nanduro umano kay Tugade.

Kinasuhan ng physical injury and malicious mischief ang mga nasa viral na video, ayon kay Masambong police chief Niño Castillo.

Ayon sa lalaking suspek, humingi na siya ng dispensya sa biktima.

"Aminado naman ako sa nangyari. Kasalanan ko rin naman. Humingi ako ng dispensa," aniya.

Paliwanag ng Grab, may mga sinusunod silang mga pamantayan pagdating sa kung ilan ang maaaring isakay sa mga sasakyan.
Nakalagay daw ito sa kanilang app kapag nag-book na.

"Gusto ng pasahero ipilit na limang sasakay. So lilinawin ko lang bawal ang overloading. Bata man, matanda man, 'pag sinabing GrabCar hanggang apat lang na pasahero," ani Brian Cu, pinuno ng Grab.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.