'Tilapia,' iba pang 'raket' sa Bilibid, isiniwalat sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 05:34 PM | Updated as of Sep 12 2019 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ikinanta ng mga dating opisyal sa Bureau of Corrections ang mga nakagawiang "raket" ng ilang tiwaling opisyal ng ahensiya para kumita sa loob ng New Bilibid Prison.

Sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes, sinabi ni dating BuCor chief Rafael Ragos na nagpapapasok ng "tilapia" -- tawag nila sa mga babaeng entertainer -- sa Bilibid.

"For example, 'yung 'tilapia' nakakapagpasok sila diyan. [Ang tilapia] Babae. Para sa mga high-profile, magpapasok ng babae tapos 'yun ang ginagamit ng mga high-profile. Nag-e-enjoy sila sa mga babae," ani Ragos.

Aabot umano sa P30,000 ang ibinibigay sa mga babae, na kinabibilangan din ng mga dayuhang entertainer.

Kumikita rin ng P800,000 kada buwan ang BuCor director sa pagpasok ng catering sa loob ng Bilibid, ayon kay Ragos.

Dagdag ni Ragos, mayroon din umanong pagkakataon na may nandurukot ng mga asawa ng mga high-profile na preso sa loob ng Bilibid. Ang mga nangunguna raw dito ay ilan din sa mga nakakulong.

Pawang mga pulis na may kakuntsaba na mga preso ang umano'y nasa likod ng modus.

Magdamagan din umano ang pagsusugal ng ilang inmate at nagnanakaw pa raw sa food budget ng mga preso ang ilang opisyal.

Nagbebenta rin daw ng mga gadget, alkohol, at sigarilyo ang mga tauhan ng BuCor sa mga preso sa matataas na halaga.

At kapag may bagong opisyal sa BuCor, ang naiipong pera ng mga preso ay ginagawang "pasalubong" bilang SOP umano sa bagong pinuno.

Binanggit ito ni Ragos sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa mga anomalya sa good conduct time allowance na ipinagkakaloob sa mga preso para maaga silang mapalaya.

Sa pagtaya naman ni dating National Bureau of Investigation agent Jovencio Ablen, umaabot hanggang P500,000 ang kinikita ng mga opisyal ng BuCor kada linggo dahil sa mga ilegal na transaksiyon sa Bilibid.

KORAPSIYON

Sa nasabing pagdinig, sinabi ni BuCor legal office chief attorney Frederic Santos na "talamak" ang korapsiyon sa Bilibid.

Ayon pa kay Santos, kalakaran na sa Bilibid na lahat ay nababayaran para lang magawa ng isang preso ang gusto niya.

May pagkakataon din daw na pinagagamit ng cellphone ang mga preso kahit bawal at nagagawa ng preso na magbayad bilang "utang na loob."

"Minsan po nakikiusap 'yang mga 'yan, na 'Sir baka puwede naman huwag mo na 'kong kasuhan. Kuhanin mo na lang cellphone ko kasi tine-text ko lang 'yung asawa ko, tinatanong ko 'yung anak kung ano na ang nangyari kasi na-dengue po, baka po nasa ospital,'" ani Santos.

Mayroon ding "code of silence" na ipinapatupad sa pagitan ng mga preso at opisyal para payagan silang makuha kung ano ang mga gusto nila, ayon pa kay Santos.

HOSPITAL

Ikinanta rin ni dating Valencia City Mayor Jose Galario Jr. ang pagbibigay niya umano ng pera sa ilang opisyal ng Bilibid para mailipat sa NBP Hospital.

Sinasabing nagpasailalim sa heart bypass at kidney transplant si Galario.

Ang doktor na Ursicio Cenas mula sa ospital sa loob ng NBP ang nag-asikaso umano ng kaniyang medical abstract, at nagbigay aniya siya ng pera rito.

Nag-abot din daw ng pera kay Cenas ang anak ni Galario na si Greizel Fernandez para ilagay sa drawer ng doktor.

Inaalam na rin ng Senado kung totoo ang alegasyon ni Fernandez na may mga Chinese inmate na nagbigay ng daang libong pisong pera kay Cenas.

Dahil sa mga ibinunyag ni Galario, ipina-contempt ng Senate committee on justice at blue ribbon committee sina Santos, Documentations officer Ramoncito Roque, at Cenas.

-- May ulat nina Johnson Manabat at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.