Pamilya ng 4 na nasawi sa aksidente sa Davao, naghihinagpis sa trahedya

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 12:58 AM

DAVAO CITY - Mangangak na ngayong buwan si Tanjean Lumanta at ito sana ang kanilang kauna-unahang anak kasama ng asawang si Justin, isa sa mga nasawi sa isang malagim na aksidente sa Davao City nitong Miyerkoles.

Ayon kay Lumanta, walang ganang kumain at maligo ang kaniyang asawa bago ito bumiyahe, bago ang aksidente.

"Hinawakan niya ang aking mukha. 'Yun na pala ang aming huling pagkikita. Problema ko ngayon wala akong panghospital," ani Lumanta.

Hindi rin lubos inakala ni Cecille Balagisi na ang pagkatamlay ng kaniyang asawang si Rolly bago ito bumiyahe ay senyales daw ng kanilang huling pagkikita.

"Nilambing pa niya ako, siya pa nga ang nanlaba.. hinalikan at hinagkan pa niya ako bago umalis," ani Cecille .

Parehong nabyuda is Lumanta at Balagisi nang maaksidente ang sinasakyang trak ng mga asawa nito sa C.P. Garcia Highway, Diversion Road, sa Davao City nitong Miyerkoles.

Naipit ang ibang pahinante ng trak sa lakas ng impact at may tumilapon din. Ginamitan pa ng hydraulic cutter nang mga rescue team ang trak upang makuha ang mga naipit na katawan ng mga biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng nawalan ng preno ang trak at dumausdos ito bago bumangga sa poste ng kuryente.

"Nakita natin nag-apply siya ng brake dahil sa mga skidmarks na nakita sa area pero hindi ito naging sapat na mapahinto ang truck," ani P/Maj. Ronald Lao, hepe ng Talomo Police Station.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na ugaling suriin ang mga sasakyan bago ito ibyahe upang iwas aberya at disgrasya sa kalsada.

"Sabi ng aking anak bagong pasok sa trabaho ang drayber ng trak at pinagdudahan niya raw ang kakayahan nito," ani Tarsisio Quillosa, ama ng kabilang sa nasawi.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, nangako ang amo ng mga trabahador na sasagutin ang mga gastusin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.