Mga baboy sa Rizal namamatay pa rin

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mga patay na baboy inanod sa Marikina, Quezon City

Patuloy pa rin ang pagdami ng mga namamatay na baboy sa Rodriguez, Rizal, sa kabila ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) na kontrolado na ang African swine fever (ASF) sa mga apektadong lugar.

Ngayong Huwebes, 3 ang namatay sa alaga ng magbababoy na si Ernesto Balili sa Barangay San Isidro, Rodriguez.

Malaki na umano ang ikinalugi ni Balili sa loob lang ng isang buwan makaraang mamatay ang 80 niyang alaga na pare-pareho ang sintomas.

Nangangamba siyang mamatay din ang iba niyang mga alagang may sakit.

Isa ang lugar nila Balili sa mga tinukoy ng DA na apektado ng ASF.

Una nang sinabi ng ahensiya na kontrolado ang ASF sa lugar.

Ayon kay Bureau of Animal Industry Director Ronnie Domingo, may mga nagtago raw ng mga baboy.

"'Yong mga nagagalit dati, ayaw mag-surrender ng hayop, tinago nila 'yong hayop nila. Masasabi mo kasi na controlled na 'yan kasi wala nang hahawahan 'yan, patay na 'yong mga kapitbahay niya na baboy," ani Domingo.

Pero hindi lang sa Rizal may mga natatagpuang patay na baboy.

Sa Marikina, 16 patay na baboy ang inanod sa boundary ng San Mateo, Rizal at Barangay Nangka nitong umaga ng Huwebes.

Agad isinuri ng lokal na pamahalaan ang mga baboy pero hindi pa masabi kung ano ang ikinamatay at saan nanggaling ng mga ito.

Sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City, sinunog na ang mga baboy na inanod din sa creek.

Posibleng aabot sa 10,000 baboy ang papatayin ng Quezon City Veterinary Office para hindi kumalat ang virus kung mapatunayang ASF ang ikinamatay ng mga baboy.

Inaalam na ng DA kung saan galing ang mga baboy.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.