Marilyn nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa Zamboanga City

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 08:37 PM | Updated as of Sep 12 2019 09:03 PM

Nahirapang tumawid at dumaan ang mga residente at sasakyan sa lungsod ng Zamboanga City nitong Huwebes dahil sa baha dulot ng malakas na buhos ng ulan sa lungsod.

ZAMBOANGA CITY - Binaha ang ilang lugar sa sentro ng lungsod na ito, kagaya ng Pilar Street, matapos ang pagbuhos ng malakas na ulan nitong Huwebes.

Nahirapang tumawid ang ilang residente dahil abot-tuhod ang tubig baha. Nahirapan din na dumaan ang mga sasakyan at motorsiklo.

Maliban dito, tumaas din ang lebel ng tubig sa ilog sa lugar kaya inalerto ng mga opisyal ng barangay ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog.

Tumaas sa critical level ang tubig sa dam, pero dahan-dahan din itong bumaba.

Ayon sa weather observer ng PAGASA Zamboanga na si Norman Joseph Montano, ang masamang panahon at malakas na ulan ay dulot ng trough ng tropical depression Marilyn.

Maaaring magtagal ang ganitong kondisyon ng panahon hanggang sa katapusan ng linggo kaya pinayuhan ang mga residenteng apektado na maging handa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.