Konsehal sa Lanao del Sur, misis huli sa buy-bust

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 11:07 AM

Nabilhan ng nasa 55-gramo ng hinihinalang shabu ang mag-asawa sa ginawang buy-bust sa Barangay Raya Balay sa Lanao del Sur.

Arestado ng awtoridad ang isang konsehal ng bayan ng Molondo sa Lanao del Sur at asawa nito sa isinagawang drug bust nitong Miyerkoles.

Nabilhan ng tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu si Macapanton Cosain at misis nito sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Raya Balay.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), hindi ito ang unang pagkakataon na nabilhan nila ang mag-asawa ng droga. Hulyo 8 nang makapag-transaksiyon ang mag-asawa sa mismong hepe ng NBI kung saan sa gilid lang ng kalsada nangyari ang bayaran.

Ayon kay NBI chief Attorney Abdul Jamal Dimaporo, mula noon ay kinulit na siya ng mag-asawa sa text para bumili ulit.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mag-asawa pero ayon sa awtoridad, mahihirapan ang mga suspek na itanggi ang krimen dahil may video sila sa unang test buy.

“Sila dapat mag uphold the law pero sila ngayon ang lumalabag ng batas so they’re considered high value target,” sabi ni Dimaporo.

Si Cosain ay kasalukuyang nasa kaniyang unang termino bilang konsehal. Posibleng maharap siya sa kasong administratibo maliban sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.