'GCTA list minadali kaya nasama roon si Napoles'

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 09:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napoles 'di kasama' sa listahan ng GCTA: abogado

Nagkamali ang Bureau of Corrections (BuCor) sa listahan ng mga palalayain sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) law kaya napasama ang pangalan ng plunder convict na si Janet Lim Napoles roon.

Sa pagdinig sa Senado sinabi ni BuCor records chief Ramoncito Roque na "minadali" ang listahan kaya mali-mali ang naging laman nito.

"Minadali po kami... Your Honor, press conference po kasi noon," ani Roque sa pagdinig.

Maaalala na nitong Miyerkoles, inilabas ng BuCor ang listahan na naglalaman ng pangalan ni Napoles. "Rape" pa ang kasong nakatala sa pangalan ni Napoles sa nasabing listahan imbes na plunder.

Si Napoles ang itinuturong mastermind sa pagdaan ng milyon-milyong priority development assistance funds (PDAF) sa kaniyang "bogus" na non-government organizations para makulimbat ito ng ilang kongresista. Nahatulan siyang "guilty" noong Disyembre 2018.

Lumabas din na magkakapareho ang ilang pangalan sa listahan pero magkakaiba ang prisoner number na nakatalaga para sa kanila.

Mayroon ding mga sinasabing pinalaya, pero lumalabas sa pagsasaliksik na matagal na silang dapat palayain dahil acquitted na o naabsuwelto na sila ng korte.

Umani ng batikos mula sa ilang kongresista ang pagsama ng pangalan ni Napoles sa listahan, maging ang ilang iregularidad dito.

Para kay Sen. Richard "Dick" Gordon, pinuno ng Senate blue ribbon committee, may malaking implikasyon ang pagsama ng pangalan ni Napoles sa mga nararapat na makalaya sa ilalim ng GCTA.

Para kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, dapat managot ang mga nasa likod ng anomalya.

"It seems there is a mafia inside BuCor and every stone must be turned to make these people accountable," ani Zarate.

Ayon naman kay Justice Undersecretary Deo Marco, hindi makapagpaliwanag ang BuCor kung ano talaga ang nangyari sa pagsama ng pangalan ni Napoles sa listahan.

"Iko-confirm ko po sa inyo ngayon... naandoon pa rin sa correctional si Napoles... Sa pagkaka-include po niya (Napoles) sa list, hindi pa po sila nakakapagbigay ng magandang paliwanag doon," ani Marco.

Tiniyak naman ng sinibak na BuCor chief na si Nicanor Faeldon na walang dumaan na papeles sa kaniya tungkol sa paglaya ni Napoles.

Pero aniya, talagang talamak ang mga sindikato sa loob ng preso.

Dahil sa mga pagkakamali sa listahan at "hindi maayos" na pagpapaliwanag, ipina-contempt o inilagay ang ilang opisyal ng BuCor sa kustodiya ng Senado, ayon kay Gordon.

Samantala, ayon sa abogado ni Napoles na si Rony Garay, walang dahilan para mag-apply si Napoles sa GCTA.

"There is no reason for Napoles to apply for GCTA because she was acquitted in the crime of serious illegal detention filed against her by Benhur Luy. Neither does Napoles have any case for rape," ani Garay.

Si Luy ang nagbunyag ng sistematiko umanong paraan para makapagpuslit ng pera si Napoles at kanyang mga kasabwat sa gobyerno.

Hindi pa pinal at nakaapela naman sa Korte Suprema ang naging hatol kay Napoles sa kasong plunder.

Nakiisa rin si Napoles sa pananaw ng pulisya at mga senador na nagkamali ang BuCor sa paghahanda sa listahan.

-- Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.