BuCor officer sinaksak ng preso sa Bilibid

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 05:24 PM | Updated as of Sep 12 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sugatan ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos saksakin ng preso sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa nitong umaga ng Huwebes.

Nangyari ang insidente bandang alas-8 ng umaga habang ina-account ang mga inmate sa Building 4A ng maximum security compound, ayon kay BuCor Public Information Officer Sonny del Rosario.

Bigla umanong nilapitan ng inmate na may schizophrenia si Inspector Edgardo Ferrer at sinaksak gamit ang gunting.

Tinamaan sa tiyan si Ferrer, na ngayon ay nagpapagaling pa sa ospital.

Inaalam ng Muntinlupa police ang motibo sa pananaksak.

Hindi naman daw bago ang ganoong insidente sa NBP.

Nangyari ang pag-atake sa gitna ng pag-iimbestiga ng Senado sa mga anomalya sa BuCor at NBP gaya ng umano ay pagbebenta ng mga bureau official ng good conduct time allowance (GCTA) at hospital pass sa mga preso.

Pinaiimbestigahan din ng Senado ang sunod-sunod na pag-atake sa mga opisyal ng BuCor.

Sa listahan ni Sen. Richard Gordon, umabot na sa 12 opisyal ng BuCor ang napapatay sa nakalipas na 8 taon.

Tinitingnan ng National Capital Region Police Office kung may kaugnayan ang pagpatay sa 3 opisyal ng BuCor mula noong nakaraang taon sa paglaya ng daan-daang bilanggo ng NBP dahil sa good conduct credits. 

Samantala, higit 300 presong nakinabang sa GCTA ang sumuko na sa mga awtoridad. Lahat umano ng mga sumuko ay itu-turn-over sa BuCor.

Ito ay matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuko ng mga lumaya sa ilalim ng GCTA law. 

Sa oras na matapos ang palugit na ibinigay ng pamahalaan para sa mga nakalayang benepisyaryo ng GCTA, ipatutupad na raw ng mga pulis ang warrantless arrest. -- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.