2 dayuhan timbog sa lending scam sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 11:56 PM | Updated as of Sep 13 2019 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Naaresto noong Huwebes sa Pasig City ang 2 dayuhan na umano ay nangubra ng pera mula sa isang lending company gamit ang mga pekeng dokumento.

Sa ulat ng Pasig police, kinilala ang mga suspek bilang sina Tim Isakov, isang Russian national, at Stanislavs Kutukovs, isang Latvian citizen. Parehong nakatira umano sa Pasig City ang 2 suspek.

Matapos umanong tanggapin ang boodle money na P90,000, dinampot ng mga awtoridad ang mga suspek sa tanggapan ng lending company sa Barangay Maybunga.

Nagtatrabaho umano ang mga dayuhan sa kompanya at modus nilang magpresenta ng mga pekeng dokumento ng mga taong kunyari ay mangungutang pero ibinubulsa umano ng mga suspek ang pera.

Naghinala raw ang mga katrabahong Pilipino ng mga suspek kaya sinuri nila ang mga dokumentong ipinasa ng mga dayuhan, ayon sa pulisya.

Inireklamo ng kompanya ang mga suspek sa pulisya, na nagkasa naman ng entrapment operation.

Nakuhanan din ang mga suspek na 2 sachet ng hinihinalang shabu, drug parpahernalia at pekeng badge ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

Hawak ng Pasig police ang mga suspek na mahaharap sa kasong qualified theft, falsification of public documents, threat, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- May ulat nina Arra Perez at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.