2 kotseng ginamit umano sa Espino ambush natagpuan na

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahanap na ng mga awtoridad ang 2 kotseng ginamit umano ng mga responsable sa pananambang kay dating Pangasinan governor at congressman Amado Espino Jr.

Sa follow-up operation ng Pangasinan police, natagpuan ang abandonadong pulang kotse sa Barangay Cubol sa lungsod, na isa umano sa ginamit ng mga gunmen.

Narekober sa sasakyan ang 2 M-16 rifle at mga face mask.

Sa bayan ng Malasiqui naman narekober ang isa pang saskayan.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtordiad sa Highway Patrol Group para matukoy ang may-ari ng mga sasakyan, ayon kay Col. Redrico Maranan, direktor ng Pangasinan police.

Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng 3 sasakyan ang nag-abang sa convoy ni Espino habang nasa 10 ang gunman.

Nasugatan si Espino makaraang ratratin ang sinasakyan niyang itim na Toyota Land Cruiser pero nasawi ang isa niyang security aid.

Sugatan din ang private nurse at ginagamot ang driver ni Espino at isa pang security personnel. Nakaligtas naman ang driver ng naka-convoy sa kanilang saskayan.

Inaalam pa ang motibo sa pananambang pero dati na raw may banta sa buhay si Espino, ani Maranan.

Bago pumasok sa politika si Espino, 71, naging direktor siya ng pulisya sa Ilocos region.

Dalawang beses siyang nanalong congressman sa ika-5 distrito at sa loob ng 3 termino ay nagsilbing gobernador ng Pangasinan.

Nasangkot si Espino sa isyu ng blacksand mining noong 2011, at nasuspende ng 90 araw dahil sa kasong graft and corruption na dinidinig pa rin sa Sandiganbayan.

Isinangkot din si Espino sa jueteng operation sa Pangasinan pero itinanggi niya ang paratang at sinabing biktima lamang siya ng pamumulitika.

Nitong 2016, nadawit ang pangalan ni Espino sa drug matrix na kalaunan ay binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Natalo ngayong taon si Espino bilang congressman habang muling nanalo sa pagkagobernador ang kaniyang anak.

Kinondena rin ng Malacañang ang pananambang.

-- Ulat ni Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.