16 patay na baboy narekober sa Marikina River

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 05:23 PM | Updated as of Sep 12 2019 05:45 PM


MAYNILA – Umabot na sa 16 ang mga patay na baboy na natagpuang palutang-lutang sa Marikina River nitong Huwebes.

Nakita ang mga patay na baboy sa ilog sa boundary ng Barangay Nangka at San Mateo, Rizal.

Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, hindi galing sa kanila ang mga baboy dahil walang slaughterhouse sa lungsod.

Posible umanong inanod ang mga ito mula sa lalawigan ng Rizal.

Ayon naman sa Marikina Rescue 161, nagtungo sa ilog ang mga tauhan ng City Veterinary Office, Riverparks Development Office, City Engineering at City Health Office para iahon ang mga patay na baboy at agad na maibaon sa lupa.

Nakipag-ugnayan na ang Marikina City sa pamahalaan ng San Mateo at Rodriguez hinggil dito.

May ilang mga nabubulok na baboy rin ang natagpuan sa isang creek sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City, Miyerkoles ng hapon.

Lunes nang kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) na nagpositibo sa African Swine Fever ang blood samples ng ilang namatay na baboy mula sa Rizal at Bulacan na ipinasuri sa United Kingdom.

Tiniyak naman ng DA na nakontrol na ang virus bago pa man ito kumalat sa ibang mga lugar.

Bunsod nito, ipinag-utos ng DA Crisis Management Task Force ang mahigpit na pagpapatupad ng "1-7-10" protocol.

Sa ilalim ng protocol, may quarantine checkpoints at pinapatay ang mga baboy sa loob ng isang kilometrong radius ng mga lugar, at agad inililibing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.