1 patay, 3 sugatan matapos tamaan ng kidlat sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 01:04 AM

Isang lalaki ang patay habang 3 naman ang sugatan matapos sila tamaan ng kidlat sa bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental nitong Miyerkoles.

Kinilala ang nasawi na si Saldy Marfil, 43, isang magsasaka, habang ang nasugatan naman ay nakilalang kanyang mga pamangkin.

Ayon sa pulisya, pumunta si Marfil kasama ang mga pamangkin sa isang palayan sa Barangay Odiong para mag-ani.

Nang umulan, naisipan na lang ng mag-anak na umuwi. Pero nang pauwi na ang mga ito, tinamaan ng kidlat si Marfil sa kanyang dibdib.

Nasugatan din ang mga pamangkin na nasa likod ng biktima umano ng mangyari ang trahedya. Isinugod sila sa ospital.

Ayon sa pulisya, agad ikinamatay ng biktima ang pagtama sa kanya ng kidlat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.