Ulan ni 'Ompong', maaaring lagpasan ang 'Ondoy': PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 02:54 PM | Updated as of Sep 12 2018 11:38 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

(UPDATE 2) Maaaring pantayan o lagpasan pa ng bagyong "Ompong," na pumasok sa Pilipinas nitong Miyerkoles, Setyembre 12, 2018, ang dami ng ulang ibinagsak sa bansa noong 2009 ng bagyong "Ondoy," ayon sa PAGASA. 

Nagsimula nang maramdaman sa Pilipinas ang Ompong (may international name na Mangkhut) pagkapasok sa Philippine area of responsibility (PAR) nitong hapon ng Miyerkoles. Naging maulan sa Kamaynilaan at nagkaroon ng ilang insidente ng pagbaha. 

Nasa 1,145 kilometers silangan ng Virac, Catanduanes ang bagyo pagdating ng alas-6 ng gabi ng Miyerkoles. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometer per hour (kph), pagbugsong pumapalo sa 255 kph, at diameter na 900 kilometer.

Ayon pa sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng umabot ang lakas ng bagyo sa 220 kph at pagbugsong umaabot sa 270 kph. 

Dagdag ng ahensiya, maaari pa raw lagpasan nito ang ulang dinulot ng Ondoy (may international name na Ketsana) noong 2009, kapag pinalakas nito ang habagat.

"Kamukha din noong panahon ni Ondoy, habagat din 'yun. So kung may habagat din siya plus 'yung ulan mismo ay nanggagaling sa bagyo, so puwede siyang (tubig) tumaas. Puwedeng abutin si Ondoy, puwedeng lagpasan ang Ondoy dahil meron itong sinasabi natin na habagat," paliwanag ni PAGASA administrator Dr. Vincent Malano sa isang press conference Miyerkoles ng umaga.

Ang malakas na hangin ng bagyo ay maaaring magdulot ng malakas na alon at ulan, na puwedeng magresulta sa landslide, pagbaha, at pati na mga storm surge, ayon sa PAGASA. 

Posible raw ang storm surge sa coastal areas ng Eastern at Nothern Cagayan, kasama ang Aparri, na aabot sa 6 metro. Delikado rin sa coastal areas ng Ilocos Region dahil malakas at mataas din ang alon doon pagdaan ng bagyo.

Ang bagyo ay inaasahan ding magpapaibayo ng habagat na magdudulot ng ulan sa Palawan, Mindoro, at Western Visayas sa Biyernes at Sabado. 

Inaasahan ang malalakas na ulan at bugso ng hangin sa Northern Luzon at ilang bahagi ng Central at Southern Luzon. 

Inaasahang tatama ang bagyo sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Isabela, Cagayan, Batanes, Nueva Vizcaya, at Quirino. 

Inaasahan ng PAGASA ang storm signal sa ilang bahagi ng Northern Luzon Miyerkoles ng hapon. 

Nakataas na ang Tropical Storm (TS) Signal Number 1 sa Catanduanes, ayon sa PAGASA nitong Miyerkoles ng hapon. 

Maaari ding itaas ang TS Signal Number 1 sa Cagayan, Isabela, Aurora, Camarines Norte, at Camarines Sur umaga ng Huwebes. 

Pagdating ng Huwebes, makararanas naman ng ulan ang Palawan, Bicol Region, at Eastern Visayas. 

Sa Biyernes (Setyembre 14) naman magdadala ng pag-ulan ang habagat sa Palawan, Zamboanga Peninsula, Western at Central Visayas.

Magiging maulap naman ang panahon sa Metro Manila sa Biyernes. Inaasahan ang mahina hanggang sa katamtamang ulan na may tsansa ng paminsan-minsang malalakas na bugso ng ulan sa Biyernes, Setyembre 14, at Sabado, Setyembre 15.

Inaasahan ding mag-landfall sa hilagang bahagi ng Cagayan ang bagyo umaga ng Sabado, Setyember 15. 

Walang pasok, mga paghahanda

Nagsuspende na rin ng klase ang ilang lugar dahil sa bagyo. 

Binabantayan din ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na maaaring pumasok sa Pilipinas.

Pinatanggal o pinababa na rin ng MMDA ang naglalakihang billboards at tarpaulins sa EDSA para hindi ito makapaminsala sakaling magdala si Ompong ng malakas na hangin. 

May ilan ding maaga nang nag-ani ng kanilang mga tanim na gulay para hindi mapinsala ng bagyo. 

Ang Department of Health naman ay naka “white alert status” bilang paghahanda sa hagupit ni Ompong. 

-- May ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.