Patay na sanggol na isinilid sa karton, natagpuan sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 03:37 AM | Updated as of Sep 12 2018 08:07 AM

BAGABAG, Nueva Vizcaya - Patay na nang matagpuan ng bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya ang isang bagong silang na sanggol na lalaki na isinilid sa isang karton.

Ayon sa pulisya, napansin ng 2 tricycle driver ang karton na nakapatong sa bangko ng isang gotohan sa Barangay Tuao North Lunes ng gabi.

Ipinagbigay-alam nila ito sa mga awtoridad dahil sa pangamba na kung ano ang laman ng karton.

Nang usisain ng mga pulis, duguan na puting damit ang tumambad sa kanila kung saan nakabalot pala ang sanggol.

Agad nila itong dinala sa ospital at doon na nakumpirmang patay na ang sanggol.

"Newborn siya. Hinihintay pa natin 'yung resulta ng examination para malaman 'yung cause of death," ani Chief Supt. Ferdinand Laudencia, hepe ng Bagabag police.

Hindi isinasantabi ng mga pulis na isang pasahero ang nag-abandona sa sanggol lalo't babaan ng mga pampasaherong bus ang lugar.

Posible ring itinaon ang pag-iwan sa sanggol sa kasagsagan ng malakas na ulan.

"May rosary pa nga na nilagay doon malamang masama sa konsensiya nung nag-iwan," dagdag ni Laudencia.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang nasa likod ng insidente na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.