'Pagpapalit ng pinuno ng NFA, di sapat na solusyon sa problema sa bigas'

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 04:44 PM | Updated as of Sep 12 2018 08:52 PM

Nagdaos ng protesta nitong Miyerkoles ang ilang grupo sa tapat ng tanggapan ng National Food Authority sa Quezon City dahil sa umano'y mahinang pagtugon ng gobyerno sa problema ng pagtaas ng presyo ng bigas. Mark Demayo, ABS-CBN News

Hindi kumbensido ang ilang grupo na solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas ang pagbabago sa liderato ng National Food Authority (NFA).

Sa halip na mag-angkat ng bigas, hinimok nitong Miyerkoles ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang gobyerno na itaas ang buying price ng palay sa P20 mula sa kasalukuyang P17.

Para naman sa grupong Bantay Bigas, dapat magpatupad ng P38 price ceiling sa commercial rice para hindi maabuso ng mga trader.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang live interview sa kaniyang abogadong si Salvador Panelo noong Martes, ibinahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte na naghahanap na siya ng bagong pinuno ng NFA matapos hilingin ng kasalukuyang administrador na si Jason Aquino na mahalinhinan sa puwesto.

Inihayag din ni Duterte ang pagnanais niyang buwagin ang NFA Council.

Pero ayon sa KMP at Bantay Bigas, hindi naman kailangang buwagin ang konseho. Sa halip, dapat umanong tiyakin na "well-represented" o maayos na nabibigyan ng boses ang mga magsasaka sa konseho dahil sila ang mas nakakaalam sa mga isyu ng agrikultura at palay.

Dagdag pa ng mga grupo, dapat panagutin si Aquino sa paggamit umano sa pondo ng NFA bilang pambayad ng utang sa halip na pambili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag si NFA Council president Jun Evasco sa mungkahi ni Duterte na buwagin ang konseho pero hindi umano available ang opisyal para magpaunlak ng panayam nitong Miyerkoles.

Ayon naman kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, susunod ang Kamara sakaling ipag-utos ni Duterte na buwagin ang NFA Council.

-- Ulat nina April Rafales at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.