P4.4 milyong halaga ng droga, nasamsam sa Maynila

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 01:04 AM

Nakumpiska ang 7 sachet ng hinihinalang shabu mula sa isang babaeng drug courier umano sa Maynila, Martes ng gabi. ABS-CBN News

Nasamsam ang P4.4 milyong halaga ng ilegal na droga mula sa isang babaeng nagsilbing drug courier umano ng isang "ninja cop" sa Maynila nitong Martes ng gabi.

Naaresto ang suspek matapos pagbentahan ng shabu ang isang undercover agent sa buy-bust operation.

Nasabat mula sa suspek ang 7 sachet o 650 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P4,420,000. 

Narekober din mula sa kaniya ang P800,000 marked money.

Ang naarestong suspek ay umano'y courier ng dating pulis na si PO2 Jolly Lapuz Aliangan na naaresto noong Mayo 2016 matapos makuhanan ng ilegal na droga, nasa P7 milyong cash at mga armas.

Ayon sa Manila Police, sangkot pa rin sa drug trafficking si Aliangan maski nakapiit na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.