Negosyante patay nang tambangan sa Mandaue City

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 01:52 PM

Pababa ng kaniyang sasakyan ang negosyante nang tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin sa Mandaue City.

MANDAUE CITY, Cebu – Patay ang isang negosyante matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin, Miyerkoles ng umaga.

Pababa na sa kaniyang sasakyan ang biktimang si Johnson Chiaoco nang barilin ng gunman.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagpasok ng taong naka-itim sa parking lot bago binaril si Chiaoco.

Ang biktima ay may-ari ng isang tindahan ng pintura.

Ayon sa staff nito, dalawang buwan nang nakatatanggap ng death threats ang negosyante sa pamamagitan ng text message at tawag. 

Boses ng isang lalaki na nagbabanta ang tumatawag sa kanilang opisina. 

Ayon kay Casuntingan Police Station chief Senior Insp. Zosimo Jabas, tinitingnan nila kung personal na atraso o negosyo ang motibo sa pamamaril. 

Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa Mandaue City Command Center para sa mga karagdagang CCTV footage para malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at ang direksyong tinungo nito matapos ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.