Lalaki, sinaksak ng kainuman sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 09:43 AM

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang 50-taong gulang na lalaki matapos na pagsasaksakin ng kainuman sa Barangay Lumbangan sa lungsod na ito, Martes ng gabi.

Ayon sa pulisya, magkasamang nag-iinuman ang biktimang si Osias Jalagat at ang suspek nang magkaroon sila ng mainit na pagtatalo.

Nauwi sa suntukan ang pagtatalo hanggang sa kumuha ang suspek ng patalim at pinagsasaksak ang biktima sa katawan ng ilang beses.

Agad namang naaresto ng pulisya ang suspek at nakuha rin sa kaniya ang patalim na ginamit niya sa pananaksak.

Sa isang panayam, inamin ng suspek ang nagawang krimen pero hindi aniya siya nagsisisi sa nagawa dahil matagal na siyang may galit sa biktima.

Ayon pa sa suspek, may relasyon umano ang biktima at ang kaniyang asawa. Noong isang taon pa raw siya nagdududa, pero kamakailan lang daw umamin ang kaniyang misis sa relasyon nito sa kanilang kapitbahay.

Kasong frustrated murder ang isinampa laban sa suspek, habang nagpapagaling pa sa ospital ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.