Ilang palayan sa Albay nag-ani na bago pa datnan ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 03:59 PM | Updated as of Sep 12 2018 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginawang mas maaga ang anihan sa Albay sa harap ng inaasahang pananalasa ng bagyong "Ompong" na papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) Miyerkoles ng hapon. 

Mainit pa ang panahon sa Bicol region kaya naman sinamantala na ng ilan na anihin ang kanilang mga tanim na palay.

Hindi man direktang tatamaan ng bagyo ang probinsiya, nangangamba pa rin ang ilang magsasaka na baka bahain ang kanilang sakahan.

Sabado pa sana ang nakatakdang araw ng pag-ani sa isang palayan sa Daraga, Albay pero minadali na ito ngayong araw.

"Moderate to heavy" ang inaasahang ulan sa Bicol region simula Huwebes ng hapon.

Samantala, nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol na iwasan ang paglalayag ng mga mangingisda para hindi na abutan ng bagyo sa laot.

Hinikayat din ng OCD ang mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office na i-monitor ang paparating na bagyo at gawin na ang mga paghahanda.


—Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.