Duterte posibleng ma-impeach sa 'paniniktik' sa mga kritiko: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 09:31 PM | Updated as of Sep 12 2018 09:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang isang eksperto na puwedeng basehan para sa pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa nitong pagbubunyag sa paniniktik umano ng ibang bansa sa mga grupong nagpaplanong patalsikin siya sa puwesto.

Mismong si Duterte kasi ang nagsiwalat ng umano ay pagsasanib puwersa ng mga komunista, Magdalo, at "dilawan" para pabagsakin siya. 

"We have the conversation provided by a foreign country sympathetic to us...I asked that it be declassified at ipakita nila sa lahat. Nahihigop lahat. So they were in constant communication," ani Duterte sa kaniyang tête-à-tête kasama si presidential chief legal counsel Salvador Panelo noong Martes.

Pero babala ni constitutional law professor Tony La Viña, maaaring basehan ito ng pagpapatalsik kay Duterte dahil tila nakipagsabwatan siya sa ibang bansa upang tiktikan ang mga kritiko. 

"Any violation of the law by a president is a violation of the Constitution, so culpable violation siya... Parang ginamit mo 'yung isang dayuhan o mga dayuhan para atakihin o labanan 'yung mga kapwa Pilipino mo," ani La Viña.

Minaliit naman ni presidential spokesman Harry Roque ang babalang ito ni La Viña. 

"Parang as an academic, kahit anong sabihin mo wala namang saysay 'yan kapag ang magdedesisyon Kongreso 'no? So that's just an expression of a personal opinion which should not carry much weight," giit ni Roque. 
    
Ayon naman kay Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, maliwanag na paglabag sa anti-wiretapping law ang ibinunyag ni Duterte.

Hinala pa ng mamababatas, China o Russia ang nasa likod ng diumano'y wiretapping.

"This is a clear security breach in our country. Siya pa mismo nag-announce," ani Alejano. 

Nitong Miyerkoles, itinanggi mismo ni Communist Party of the Philippines founder Jose Maria "Joma" Sison na nakikipagsabwatan sila sa grupong Magdalo.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.