Babaeng 'tulak' ng droga, huli sa buy-bust

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 10:54 AM

Nakuha mula sa 25-anyos na suspek ang mga pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa P1-milyon ang halaga.

CEBU CITY – Bumagsak sa kamay ng awtoridad ang isang babaeng tulak ng ipinagbabawal na droga sa isinagawang buy-bust operation, Martes ng gabi sa Sitio Puntod, Barangay Mambaling.

Kilala umano sa ilegal na kalakaran si Shella Mae, ang suspek na nasa drug watchlist ng pulisya.

Narekober mula sa 25-anyos na babae ang mga pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa P1-milyon ang halaga.

Nagsagawa muna ng 2 linggong pagmamanman ang awtoridad bago ikinasa ang operasyon.

Itinanggi naman ng suspek na tulak siya ng shabu at sinabing siya lamang umano ang napagutusang magdeliver ng mga pakete ng droga sa customer.

Inamin din niyang alam niya na droga ang laman ng sachets na kaniyang inihatid pero napilitan lamang siyang pumasok sa nasabing kalakaran para matustusan ang pangangailangan ng tatlong anak.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.