3 dawit sa 'pagdakip, pagpatay' sa lalaki, arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 06:53 PM

Naaresto noong Martes ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang tatlong lalaking idinadawit sa pagdakip at pagpatay sa isang 58 anyos na lalaki sa Quezon City.

Kinilala ni PNP-AKG director Chief Superintendent Glenn Dumlao ang mga suspek bilang sina Ivan Santiago, Don Felder de Torres, at Jeremy Bacos.

Si Bacos ay pamangkin ng misis ng biktimang si Isagani Punio. Siya rin ang itinuturong utak ng grupo sa umano'y pagdampot at pagpaslang kay Punio dahil sa away sa lupa.

Dinampot si Punio noong umaga ng Hunyo 25 sa Barangay Santol, Quezon City ng isang grupo ng mga lalaking lulan ng isang sasakyan.

Humingi umano ang mga kidnapper ng P15 milyong ransom sa pamilya ni Punio, ayon sa misis niyang si Rizalina.

Agad lumapit sa PNP-AKG at Movement for the Restoration of Peace and Order ang pamilya ng biktima pero nabigo ang pagtubos at hindi na nakipag-ugnayan muli ang mga kidnapper sa pamilya.

Pero sinubukan ulit nilang manghingi ng ransom noong Lunes na nauwi sa kanilang pagkahuli.

Natagpuan naman noong Hulyo 13 sa Calaca, Batangas ang bangkay ng isang lalaki. Walang tumubos dito kaya inilibing na lang sa Calaca Catholic Cemetery. 

Hinukay noong Martes ang bangkay at positibo itong kinilala bilang si Punio ng kaniyang misis at mga anak.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong kidnap-for-ransom at serious illegal detention.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.