2 lalaki, natagpuang patay sa Tuguegarao

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 01:31 AM

TUGUEGARAO CITY, Cagayan—Natagpuang patay nitong Martes ang dalawang lalaki na nasangkot umano sa mga pagnanakaw sa Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Elizar Del Rosario at Randy Tumaliuan, na parehong natagpuang nakahandusay sa labas ng isang bahay sa Barangay Balzain East.

Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang mga biktima noong Lunes ng gabi na kainuman ang ilang kaibigan sa naturang bahay.

Nakarinig daw ng mga putok ng baril ang ilang kapitbahay pero hindi raw ito isinumbong agad sa pulisya.

“Base sa statement ng kanilang mga kapitbahay, naglagabugan daw dun sa kanilang area kagabi. Ang iingay nila dahil mga lasing,” ayon kay Supt. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng caliber .45 na baril.

May sinusundan na ring gabay ang awtoridad para matukoy ang nasa likod ng pagpatay sa mga biktima, na nasangkot umano sa mga kaso ng nakawan sa lungsod.

“Meron kami ditong witness na kasama nila sa inuman, sinasabi niyang kasama din nila sa inuman yung suspek,” ani Cablarda.

Inihahanda na ang kasong pagpatay laban sa suspek na hindi muna pinangalanan matapos ikinasa ang manhunt operation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.