1 patay, 3 timbog sa buy-bust sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 04:24 PM

Isa ang napatay habang tatlo ang naaresto ng Makati police sa isang buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro sa Pasig City noong Martes.

Ikinasa ang operasyon sa Barangay Buting, Pasig para mahuli ang apat na pinaghihinalaang tulak na tauhan umano ng high-value target na si Norman Manite.

Magbabagsak daw dapat ng shabu ang mga target ng operasyon sa apat na suspek na nauna nang nahuli ng mga awtoridad, ayon sa pulisya.

Nauwi pa sa habulan ng mga sasakyan at barilan ang operasyon.

Una munang pinaputukan ng mga pulis ang gulong ng kotseng sinasakyan ng mga suspek pero pinaandar pa rin nila ito kahit may flat na gulong.

Nagpaputok naman ang isa sa mga suspek kaya napilitang magpaputok din ang mga pulis.

Dinala pa sa ospital ang isa sa mga suspek na tinamaan ng bala pero idineklara siyang dead on arrival.

Isang pulis naman ang nasugatan sa engkuwentro.

Nabatid din na ang isa sa mga suspek ay dating officer ng Philippine Army na na-dismiss matapos mag-AWOL.

Pero ayon sa suspek, inutusan lamang siyang magmaneho ng sasakyan at wala siyang kaalam-alam na shabu ang ibabagsak nila.

Duguan at may sugat ang suspek pero iginiit niyang nadulas lang siya.

Nasabat naman ng mga pulis ang shabu na may halagang aabot sa P370,000.

Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek upang matunton ng pulisya ang iba pa nilang kasamahan sa pangangalakal ng droga.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.