'Panawid-lamig': Mga Kabitenyo nangingisda ng 'pampulutan' sa baha

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 01:12 PM | Updated as of Sep 12 2017 05:48 PM

MAYNILA - Sa kasagsagan ng malakas na ulan ngayong Martes, sinamantala ng ilang residente sa may Noveleta-Cavite City Road ang pag-apaw ng mga palaisdaan doon para makapanghuli ng kanilang mauulam o mapupulutan.

Gamit ang mga lambat at habang umiiwas sa mga dumaraang kotse at trak, nakakahuli ang mga residente ng tilapia at bangus sa abot-binting baha sa kalsada.

"Paksiw po, puwede ring prito. Para sa tropa pangpulutan. Pantawid lang ng lamig," ani Michael Gelogo, isa sa mga kalalakihang nangingisda sa baha.

Ayon kay Gelogo, madalas silang manghuli ng isda sa naturang lugar kapag baha. Kung minsan ay pinapang-ulam nila ito o kapag nagkakayayaan, pinupulutan ng tropa.

Martes ng umaga nag-landfall sa Mauban, Quezon ang bagyong "Maring" at inaasahang tatahakin nito ang bahagi ng Laguna, Rizal, Bulacan at Zambales, at dadaan rin malapit sa Metro Manila.

Huling namatahan ang bagyo sa Laguna de Bay, alas-10:00 ng umaga. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 60 kilometero bawat oras at pagbugsong aaabot sa to 100 kilometro bawat oras.