Magdamag na ulan dahil sa bagyong 'Maring', nagdulot ng baha, trapiko

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 12:46 PM

Nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila ang magdamag na pagbuhos ng ulan dahil sa bagyong 'Maring' kaya naman matinding traffic ang sumalubong sa mga pasahero at motorista Martes ng umaga.

Kabilang sa mga binaha ang northbound at southbond lanes ng Aurora Underpass sa EDSA sa Cubao, Quezon City.

Bagama't may mga itinalagang tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang gabayan ang mga motorista, maraming sasakyan pa rin ang tumirik habang dumadaan sa underpass.

Nagdulot ito ng matinding pagsikip sa daloy ng trapiko.

Siksikan din sa service road sa itaas ng underpass dahil sa pag-iwas ng ibang motorista sa pagdaan sa underpass.

Sinuspinde naman ng Philippine National Railways ang kanilang operasyon dahil sa pagbaha sa ilang estasyon na maaaring makasira sa wiring o kable sa ilalim ng tren.

Kabilang ang Blumentritt, Laon Laan, España, Santa Mesa, Paco, EDSA, Magallanes at Sucat sa mga estasyong lubog sa baha.

Inaasahang magpatuloy ang biyahe bandang tanghali.

Titiyakin naman umano ng pamunuan ng PNR na maiaalis ang mga bagay na maaaring nakaharang sa riles.

Dalawang beses naman tumigil ang biyahe ng MRT-3 matapos magkaproblema ang wiper ng isang southbound na bagon.

Sinuspinde naman ng MMDA ang number coding scheme dahil sa masamang panahon.

Mga pasahero ng bus, niligtas

Naligtas naman ang 22 pasahero ng isang bus na bitag dahil sa pagbaha sa Brgy. Biga, Gumaca, Quezon.

Tumulong ang mga pulis at lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council sa paglikas ng mga pasahero.

Sarado rin sa mga motorista ang bahagi ng Maharlika Highway sa Calauag, Quezon.

Ito'y dahil sa malakas na agos ng tubig baha at posibilidad ng landslide o pagguho ng lupa.

-- Ulat ni Henry Atuelan, Dennis Datu, at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.