Binatilyong magkapatid patay sa landslide sa Taytay

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 10:44 AM | Updated as of Sep 12 2017 04:04 PM

MANILA - (UPDATED) Kapwa patay ang binatilyong magkapatid matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Barangay Dolores sa Taytay, Rizal Martes. 

Tumama ang landslide sa kasagsagan ng malakas na ulang dala ng Bagyong "Maring" dakong alas-4 ng madaling-araw, ayon kay Elmer Espiritu, hepe ng Taytay disaster office. 

Apektado aniya ng insidente ang 2 bahay ng mga informal settler sa gilid ng sapa sa Purok 1B, Hapay na Mangga. 

"Nagresponde naman tayo immediately, pero unfortunately, noong makuha natin ay talaga namatay na iyung dalawa," ani Espiritu. 

Nakilala ang mga biktima bilang sina Justin at Jude Fundal, edad 14 at 17.

Ayon kay Judith Fundal, ina ng mga bata, nabitbit nilang mag-asawa palayo sa landslide ang 2 pa nilang anak habang mabilis namang nakatakbo ang isa pa. 

Dumating na sa lugar ang pulisya para tumulong sa forced evacuation ng nasa 100 pamilyang naninirahan sa Hapay na Mangga. 

 Una nang nagbabala ang state weather bureau na makakaranas ng malakas na pag-ulan ang Bicol, Calabarzon, Mimaropa, Metro Manila, Central Luzon at Pangasinan dahil sa Bagyong Maring. 

Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Quezon- Aurora area Martes ng hapon. May ulat nina Kevin Manalo at Jeff Hernaez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.