4 na magkakamag-anak, mag-iisang linggo nang nawawala

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 05:10 AM

ISABELA - Mag-iisang linggo nang nawawala ang apat na magkakamag-anak na taga San Guillermo, Isabela.

Labis ang pag-aalala ni Noel Dungca sa kalagayan ng kaniyang ama at tatlo pang kaanak. Halos isang linggo na nang huli silang nakita at hindi ma-contact.

Ayon kay Noel, September 5 nang umalis papuntang Maynila ang kanyang amang si Carmelito Dungca, 71 taong gulang; at ang mga kaanak na sina David Dungca, 67 taong gulang; Allen Dungca, 44 taong gulang; at Jaymar Dungca, 20 taong gulang.

Sakay sila ng silver na van na may plakang VX 4649 na pagmamay-ari ni David, isang balikbayan, at minamaneho ni Allen.

"Dumaan muna sila sa Pampanga para bisitahin 'yung mga kamag-anak them dumiretso na sila sa Maynila sa Makati. Nagwithdraw sila tapos doon na natulog sa apartment ng kamag-anak namin," ani Noel.

Pauwi na umano sa Isabela ang apat noong September 6 ng madaling araw. Nakapag-text pa umano si Carmelito kay Noel na nakaalis na sila.

Pero bandang 5:00 ng umaga, hindi na umano nila ma-contact ang ni isa sa apat na magkakasama.

Kinukutuban ngayon ang pamilya na baka kinidnap o may masamang nangyari sa apat lalo't nagwithdraw umano ng malaking halaga sa bangko ang isa sa kanila.

Nagpa-blotter na ang kamag-anak nila sa Taguig kung saan nanuluyan ang mga nawawala.

Nananawagan ang pamilya na ipagbigay alam sa kanila kung makita ang apat o ang kanilang sasakyan.

Umaasa ang pamilya na makauwi nang maayos at ligtas ang kanilang mga nawawalang kamag-anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.