'Salvage' victim nakita malapit sa mall sa Baguio

Ivan Ismael Abille, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2016 03:49 PM

MANILA - Natagpuan ang bangkay ng isang hinihinalang biktima ng summary execution malapit sa isang mall sa Baguio City, Linggo ng gabi. 

Rumoronda ang mga pulis nang makita nila ang lalaking biktima sa Dagohoy Street, Barangay Kagitingan. 

Gamit ang packing tape, iginapos ang mga paa at kamay ng biktimang binusalan din ang bibig. 

May dalawang tama ng bala ang bitkima sa kanyang tiyan at likuran.

Nakita rin sa crime scene ang karton na may katagang, "Wag niyo akong tularan. Mandurukot ako." 

Nakita rin sa likuran ng biktima ang tattoo ng acronym na "BNG", na ayon sa mga pulis ay nangangahulugang "Bahala na Gang." 

"Wala tayong n-arecover na basyo or fired bullets sa crime scene so 'yung ating initial findings na dalawang gunshot wounds, 'yung fired bullets posibleng nakabaon sa katawan ng victim. We will try to recover that," ani Dr. Rodrigo Leal ng police Scene of the Crime Operatives. 

Isailalim sa autopsy ang biktimang hindi pa rin nakikilala. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.