Hinihinalang tulak, patay sa buy-bust sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2016 07:31 PM

ISABELA - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa isang buy-bust operation Linggo ng gabi sa Barangay San Fermin, Cauayan City sa Isabela.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang Cauayan City Police na isang Christian Martinez na umano'y galing Maynila ang kasalukuyang nagbebenta ng iligal na droga sa bayan.

Nakumpiska sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu. Nang aarestuhin na si Martinez, nagpumiglas umano ito at biglang bumunot ng caliber .45 na nakasukbit sa kanyang baywang.

Nakipagbarilan si Martinez sa mga pulis hanggang makita na lamang itong nakahandusay. Naisugod pa siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa iba't ibang tama ng bala sa katawan.

Nakuha sa bulsa ni Martinez ang P500 na buy-bust money. Nakuha naman sa kanyang bag ang isang sachet ng hinihinalang shabu at mga bala.

Ayon kay Police Superintendent Ariel Quilang, chief of police ng Cauayan City Police, si Martinez ang pinaghihinalaang courier ng shabu na nagmumula sa Maynila at ibinebenta sa lungsod at mga karatig-bayan sa Isabela.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.